Mga Klinikal na Pagsubok

Paghahanap ng mga Posibilidad sa South West Sydney

Ano ba ang klinikal na pagsubok?

Ang mga klinikal na pagsubok ay mga imbestigasyon sa medikal na pananaliksik kung saan ang mga tao ay nagboboluntaryong sumubok ng bagong mga interbensyong pangkalusugan at medikal upang hadlangan, malaman, gamutin o pamahalaan ang iba’t ibang mga sakit o medikal na kondisyon.

Ang mga klinikal na pagsubok ay tumutulong sa mga medikal na mananaliksik upang malaman kung ang paggamot ay:

Epektibo

Ligtas

Mas mahusay kaysa sa kasalukuyang paggamot

Sino ang nagsasagawa na ng mga klinikal na pagsubok?

Ang mga mananaliksik na nagsasagawa ng mga klinikal na pagsubok ay mula sa magkakaibang mga larangan, kabilang na ang mga ospital at iba pang mga medikal na institusyon, mga pamantasan, o mga kompanya ng gamot.

Ang kaligtasan at kagalingan ang pangunahing tututukan ng pangkat ng klinikal na pagsubok at ang mga kalahok ay maingat na susubaybayan.

Sino ang karapat-dapat na lumahok sa isang klinikal na pagsubok?

Ang pagsubok ng bagong mga interbensyon ay kadalasang nangangailangan ng mga boluntaryo na dumaranas ng partikular na sakit o kondisyon na tinatarget ng interbensyon. Ang paglahok sa isang klinikal na pagsubok ay pawang boluntaryo at nagsasangkot ng mga taong may iba’t ibang edad (mula sa mga maliliit na bata hanggang sa matatanda) na dumaranas ng iba’t ibang uri at mga yugto ng sakit o kondisyon.

Ang mga kalahok ay maaaring kumalas sa isang klinikal na pagsubok sa anumang oras nang hindi maaapektuhan ang kalidad ng kanilang medikal na paggamot o relasyon sa kanilang doktor. Mayroong higit sa 200 bagong mga klinikal na pagsubok na kasalukuyang isinasagawa sa South West Sydney.

Makipag-usap sa iyong GP para talakayin kung ikaw o ang iyong minamahal ay karapat-dapat na lumahok.

Gusto mong malaman ang higit pa?

Magrehistro dito upang makatanggap ng karagdagang impormasyon kung paano mahahanap ang mga klinikal na pagsubok sa inyong lugar.

Paano gumagana ang klinikal na pagsubok

Sa Australya lahat ng aprubadong mga klinikal na pagsubok ay pinamamahalaan ng mga patnubay sa pambansang etika (national ethics guidelines) at mga kodigo ng pag-aasal (codes of conduct) na naglalayong protektahan ang mga kalahok sa pagsubok at ang integridad ng pananaliksik. Ang mga pangalan at personal na mga detalye ng mga kalahok sa klinikal na pagsubok ay pananatilihing kumpidensyal at hindi ibinubunyag.

Hakbang 1

Maaari munang subukan ng mga mananaliksik ang bagong mga interbensyon sa laboratoryo upang malaman kung ang isang eksperimental na interbensyon ay may potensyal at angkop na subukan sa mga tao.

Hakbang 2

Sisimulan ang isang klinikal na pagsubok na binubuo ng apat na yugto upang tulungan ang mga mananaliksik sa pangangalap ng makabuluhang impormasyon tungkol sa pagiging epektibo at ligtas ng bagong interbensyon.

Hakbang 3

Sa sandaling makumpleto ang mga klinikal na pagsubok, titingnan ng mga mananaliksik ang impormasyon na nakalap at pag-aaralan kung ang isang paggamot ay dapat na masuri pa, o isusulong para maaprubahang gamitin ng madla.

Kapag napatunayan lamang na ang bagong paggamot ay ligtas at epektibo, saka lamang ito maaaring maging bahagi ng mga pagpipiliang pamantayang paggamot para sa isang sakit o kondisyon.

PAKETE NG IMPORMASYON

Magrehistro dito upang makatanggap ng karagdagang impormasyon kung paano mahahanap ang mga klinikal na pagsubok sa inyong lugar.

  • This field is for validation purposes and should be left unchanged.